Ni LOUIE LEGARDA
ABOT-KAMAY ang asam-asam na kaunlaran ng bansa sa bisa ng pagkakaisa, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasabay ng garantiya ng muling pagbuo ng UniTeam na bumandera at nagdala ng tagumpay sa kanya at kay Vice President Sara Duterte noong 2022 presidential elections.
Gayunpaman, walang binanggit ang Pangulo na kasama sa bubuuing alyansa ang Hugpong ng Pagbabago ni VP Sara.
Para kay Marcos, malaking bentahe ang pagkakaisa ng mga partido para maabot ang mga adhikain sa ikabubuti ng bansa.
“Kagaya ng dating ginawa sa nakaraang halalan ay bubuuin na uli natin at maipo-formalize uli natin ang UniTeam para naman pagka humaharap tayo sa dating nga kinabukasan, malalaman natin na tayo ay sabay-sabay na kabalikat sa dating layunin na pagandahin ang Pilipinas, pagandahin ang buhay ng bawat Pilipino,” wika ni Marcos.
Hindi rin aniya maisasakatuparan ang pagbabago sa polisiya ng gobyerno kung walang suporta ang lehislatura.
