HINDI dahilan ang abala sa politika para isantabi ang pagkakaloob ng serbisyong medikal at pagpapatupad ng iba pang social welfare programs kahit nagsimula na ang pangangampanya sa nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ito ang binigyang-diin ni House Committee on Health Vice-Chairperson at AnaKalusugan partylist Rep. Ray Reyes kasunod nang isinagawa nilang libreng Flu at Anti-Pneumonia vaccination drive sa Bauan, Batangas.
“Paalala lang po sa ating mga incumbent barangay officials na kahit simula na ng campaign period sa October 19, hindi pa rin natatapos ang kanilang trabaho sa barangay,” pahayag ng pro-health advocate lawmaker.
“Napakahalaga po ng mga programa sa ating mga barangay lalo na ang health services at hindi po dapat maging hadlang ang pangangampanya sa pagbibigay ng karampatang serbisyo para sa ating mga kababayan,” dagdag pa ni Reyes.
Ibinigay halimbawa ng kongresista ang pagtulong sa kanila ng mga barangay at official at volunteer sa nasabing vaccination drive sa bayan ng Bauan sa kabila ng pagiging abala ng ilan sa mga opisyal sa kanilang pangangampanya.
“Maraming salamat sa ating mga katuwang na barangay officials at volunteers na tumulong sa paglunsad ng ating vaccination drive. Sila ang mga huwarang lingkod bayan na inuuna ang serbisyo sa komunidad at sa kapwa,” ang malugod na sabi pa ni Reyes.
Aniya, mayroon pa silang kasunod na libreng pagbabakuna partikular sa ibang pang bayan ng Batangas gayundin sa Bulacan at Antique.
Samantala, iginiit ni Reyes ang kanyang pagsuporta at pagsusulong ng mga panukalang batas para mabigyan ng kaukulang kompensasyon, iba pang mga benepisyo at insentibo ang mga opisyal at tauhan ng barangay.
Kabilang dito ang inihain niyang House Bill No. 1829 na naglalayong pagkalooban ng hazard allowance, transportation allowance, subsistence allowance, one-time retirement cash incentive, health benefits, insurance coverage, maging ang vacation at maternity leaves ang mga Barangay Health Worker (BHW).
“Hindi po matatawaran ang serbisyo ng ating mga BHWs at lubhang mahalaga ng kanilang ginagawang trabaho lalong lalo na sa mga barangay na malayo pa sa mga ospital,” pagtatapos ni Reyes.