BITBIT ang platapormang pagbabago, rumatsada ang isang dating kagawad sa karera sa posisyon ng kapitan ng Barangay Dolores, sa bayang higit na kilala bilang Garments Capital of the Philippines.
Batay sa pinakahuling non-commissioned survey na pinangasiwaan ng Eidiya Research Group, milya-milya ang naitalang agwat ni Inye “Tolkap” Pacleb laban sa dalawang beteranong kinabibilangan ng nakaupong barangay chairman Rufe Roy Tapawan at dating municipal councilor DI Cayton.
Sa survey na nilahukan ng 1,845 rehistradong botante, nakapagtala si Pacleb ng 49% preference rating ng mga respondents. Nasa malayong ikalawang pwesto ang incumbent barangay chairman Tapawan may may 30%. Naiwan sa ikatlong pwesto si dating konsehal Cayton na nakapagtala lang ng 12%.
Mayroon din 10% pasok sa kategorya ng tinatawag na “undecided.”
Kapansin-pansin din sa naturang datos ang 19% lamang ni Pacleb sa pinakamalapit na katunggaling nakatala sa survey na pinangasiwaan sa pitong clustered areas.
Sa awareness rating ng botante, umarangkada sa 89% ang kandidatong si Pacleb na may pinakamataas na kamalayan sa pagtakbo para Barangay Chairman. Hindi kalayuan sa pangalawang pwesto si Tapawan na may 78%, habang pumangatlo naman si Cayton na may 61%.
Tatlong porsyento ang salat – kung hindi man walang kabatiran sa nalalapit na halalan.
Hango sa sagot ng respondents sa questionnaire, ginusto nila si Inye Pacleb dahil sa anila’y ugali – partikular ang pagtulong ng walang anumang kondisyon. Sa kabilang banda, si Tapawan ang lumalabas na liyamado base sa karanasan sa pulitika.
Gayunpaman, higit na nakararami sa mga lumahok sa survey ang naghahanap ng pagbabago – dahilan para manguna si Pacleb na ginawaran ng 23% at Cayton na may 15%.
Sa pagpili ng kursunadang iluklok bilang kapitan, inilahad din ang mga dahilan sa likod ng kanilang napiling kandidato. Mayorya sa pumili kay Pacleb ang naniniwalang higit na kailangan ng pamayanan ang isang taong handang tumulong at hindi nagtatago sa tuwing may problema sa barangay.
Partikular na tinukoy ng mga respondents ang anila’y ipinamalas na kawanggawa ni Pacleb na mas nakilala sa bansag na “milkman” dahil sa pamamahagi ng gatas sa bawat pamilya.
Bago pa man nagpasya muling sumabak sa halalan, nagsilbing Executive Assistant at Barangay Sports Head sa ilalim ng tanggapan ng alkalde si Pacleb.
Si Pacleb ay aktibong opisyal ng Gabay De Hijos Nazareno – Taytay chapter.