Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA halip na kritisismo kontra administrasyon, higit na angkop ipaliwanag ni Vice President Sara Duterte-Carpio kung bakit siya missing-in-action sa panahong kailangan ng tulong ng mga nasalanta ng bagyong Carina at iba pang kalamidad sa bansa, patutsada ni Manila Rep. Joel Chua.
Bukod sa biglang paglisan sa gitna ng kalamidad, dapat din aniyang maglabas ng posisyon si Duterte sa patuloy na pambubully ng China sa West Philippine Sea (WPS).
“Nasaan siya noong binubutas ng China Coast Guard ang rubber boats ng mga Pinoy at sinasagasaan sa dagat ang fishing boats ng ating mga mangingisda?,” usisa ni Chua.
Para sa kinatawan ng Maynila sa Kamara, dapat lamang aniya sa isang bise presidente manaig ang pagiging makabayan at hindi basta na lang manahimik sa ginagawang pagmamalabis ng China sa mga Pilipino
“Maka-Pilipino dapat, hindi ‘yung nananahimik kapag China na ang isyu,” pasaring ng kongresista kay VP Sara.
Sa pagiging malapit sa China ng amang dating Pangulo, hindi aniya maikakaila na umiiwas si Duterte sa mga isyung may kaugnayan sa pangangamkam na ginagawa ng China sa teritoryo ng Pilipinas.
Sa kasagsagan naman ng super typhoon Carina, lumipad patung sa bansang germany ang pangalawang pangulo kasama ang pamilya para si lamang magbakasyon.
“Nasaan siya noong parating na ang Typhoon Carina, noong pumutok ang Mount Kanlaon, noong may bombang sumabog sa Mindanao State University, noong tinutuyot ng El Niño ang mga palayan? Nasaan siya noong kailangan siya ng mga Pilipinong sabi niya’y mahal niya?”
Para kay Chua, malinaw na puro lang umano paandar, pakuwela at pagsi-selfie ang aktibidad ni VP Sara sa publiko para pagtakpan ang malaking pagkukulang sa pagtupad sa mandato bilang pangalawang pangulo.
“Magaling lang siya sa matatamis na salita at talinhaga. Pero kapag tanungin na ng mga detalye puro iwas, puro pagpapatawa, puro drama pero kapos sa matinong paliwanag. Kapag tinimbang, laging kulang,” dugtong pa ni Chua.
Bago pa man nagbitaw ng maanghang na pahayag si Chua, hayagang binatikos ni Duterte ang pinuno ng bansa na di umano’y hindi tapat sa sinumpaang tungkulin.
Sa isinasagawang pagsusuri ng Kamara para sa 2025 national budget, tiniyak ng mambabatas na masusing hihimayin ng kongreso ang gastos ng Office of the Vice President (OVP) sa mga nakalipas na taon.
“When the OVP budget is tackled soon at the House, she should no longer be given a free pass. Her OVP budget must be scrutinized for every spent and not spent. No more and never again shall the VP not be held to the same level of scrutiny as other public officials during the budget hearings,” aniya pa.
Sa rekord ng Kamara, higit pa sa tatlong doble ang inilaang budget ng Kongreso sa OVP – malayo sa P702 milyong inilaan kay former Vice President Leni Robredo sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
