Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SINUKLIAN ng ngiti ng nasa 1,500 estudyante mula sa iba’t ibang bahagi ng Panay region ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa inisyatiba ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, alinsunod sa programang Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Personal na pinamahalaan ni Romualdez ang pamimigay ng cash aid sa ilalim ng Integrated Scholarships and Incentives Program (ISIP), na idinaos sa West Visayas State University Medical Center Cultural Center sa Iloilo kahapon.
“Ang pag-aaral po, maging college man o vocational, ang isa sa pinakamabisang sandata na maaari nating ibigay sa ating mga kabataan na magagamit nila sa pagharap nila sa hamon ng buhay. Bilang isang ama at isa ring negosyante, naniniwala po tayo na ang edukasyon ang ating susi sa tagumpay,” pahayag ni Romualdez sa pagtitipon inorganisa ni House Deputy Majority Leader and Iloilo 1st District Rep. Janette Garin.
Nabatid na mismong si Speaker Romualdez ang siyang nanguna sa pagbalangkas at pagpapatupad ng ISIP, sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Commission on Higher Education (CHED) sa hangarin tulungan ang mga mahihirap subalit karapat-dapat na mga mag-aaral para ipagpatuloy ang kanilang edukasyon.
Paglilinaw ng lider ng Kamara, ang ISIP ay bahagi rin ng Bagong Pilipinas campaign ni Pangulong Marcos kung saan tinitiyak na ang mga tulong at programa ng pamahalaan ay direktang ipagkakaloob sa mga nangangailangan.
Base sa nakalap ng dokumento, nagmula pa sa 32 educational institutions sa Panay ang 1,500 beneficiaries na tumanggap ng P2,000 in cash aid sa pamamagitan ng AICS program ng DSWD at Tulong Dunong Program (TDP) ng CHED.
Bukod sa P2,000 cash aid, maaari din aniyang makakuha ng scholarship assistance P15,000 kada taon o P7,500 per semester ang mga tinawag niyang poor and deserving students – kung nanaisin ng CHED.
“Ang tanging hiling lang ng pamahalaan sa inyo, lalo sana kayong magsumikap sa inyong pag-aaral sa kabila ng kakapusan na inyong nararanasan. Tuparin ang pangarap ng inyong mga magulang at isama ang inyong mga komunidad sa inyong pag-unlad,” hirit ng House Speaker sa mga scholar.
“Please study well, work hard, study hard. I assure you success is at hand.”
Malugod din ipinabatid ng lider ng Kamara na ang student beneficiaries ay bibigyan din ng Government Internship Program (GIP) sa sandaling makagraduate, habang target naman aniya ng pamahalaan isama sa programang TUPAD ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kanilang magulang o guardians na walang trabaho.
“Hindi lang kayong mga mag-aaral ang mabibigyan ng tulong, pati ang inyong mga magulang. Dahil holistic ang approach ng ating pamahalaan sa pagtulong sa mga nangangailangan. Kaya sana ay lahat kayo ay magsipagtapos at abutin ninyo ang inyong mga pangarap.”
