SA hangarin tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral laban sa lahat ng uri ng kriminalidad, inilunsad ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang programang naglalayon i-monitor ang nasa 162 pampublikong paaralan sa nasabing lungsod.
Sa pag-arangkada ng Project Ligtas Eskwela, nagtatag ang QCPD ng 151 Police Assistance Desk (PADS) malapit sa mga pasukan ng paaralan upang magbigay ng agarang suporta sa mga mag-aaral, guro, at mga magulang.
Bukod dito, 157 aktibidad din ang isinagawa, kabilang ang flag-raising ceremonies, pagsasagawa ng foot patrol, at pakikipag-usap sa mga administrador ng paaralan, mga magulang, at mga mag-aaral.
Pag-amin ng QCPD, hindi na dapat maulit pa ang mga nangyayaring krimen sa mga paaralan na kinasasangkutan ng mga mag-aaral.
“Ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral ay isa sa pangunahin ng ating mga pulis Sa pamamagitan ng Project Ligtas Eskwela, napapanatili natin ang pakikipag-ugnayan sa ating mga mag-aaral at mga guro,” wika ni QCPD Acting District Director Col. Melecio Buslig, Jr. (LILY REYES)
