PORMAL nang sinampahan ng kaso sa piskalya ang isang aktibong pulis matapos hayagang batikusin sa social media i Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kasong inciting to sedition (Article 142 ng Revised Penal Code) ang inihain ng Quezon City Police District (QCPD) laban kay Patrolman Francis Steve Tallion Fontanillas na nakatalaga sa Personnel Holding and Accounting Section.
Bukod sa “inciting to sedition,” swak din sa asuntong isinampa sa Quezon City Prosecutor’s Office ang pulis na umano’y lumabag sa RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012). Higit na kilala sa social media si Fontanillas bilang “Fonts Stv Vlogs.
Partikular na tinukoy sa kaso ang mga Facebook post ng naturang pulis kasunod ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte
” I am telling the truth, the war on drugs was not just for the purpose of killing, war on drugs was designed to eliminate murders by criminals.”
Kabilang pa rin sa ipinost ng pulis ay ang “PRRD — the only President that Filipino love so much, PBBM considered President but not respected by the people. “
Sa nasabing vlog ay parang hinihikayat ng pulis ang kanyang mga kabaro na magsalita rin o mag mensahe sa kanya pero hindi malinaw kung tungkol sa pagka aresto sa dating pangulo ng bansa.
SA record ng QCPD Personnel Records and Management Division, Pebrero 20 nang italaga sa DPHAS si Fontanillas – ngunit hindi na umano pumasok sa trabaho mula Marso 6 ng kasalukuyang taon. (LILY REYES)
