
SA pagpasok sa eskwela ng hindi bababa sa 28 milyong estudyante sa 46,000 pampublikong paaralan, nagbaba ang Department of Health (DOH) sa mga karamdamang karaniwang sumusulpot sa tuwing panahon ng tag-ulan.
Sa isang Command Conference na ginanap sa punong tanggapan ng Department of Education(DepEd), partikular na tinukoy ni Hilario Sayo Jr. ng Health Emergency Management Bureau sa ilalim ng DoH ang WILD – Water- and food-borne diseases, Influenza-like illnesses, Leptospirosis at Dengue.
Bukod sa WILD, nanawagan din si Sayo ng ibayong pag-iingat sa nakaambang epekto ng El Niño phenomenon at mga kalamidad – base na rin sa pagtataya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na nagsabing walo hanggang 11 bagyo pa ang inaasahan papasok sa bansa sa mga susunod na buwan.
Pag-amin ng DepEd, nahaharap pa rin sa samu’t-saring hamon ang kagawaran sa pagbubukas ng klase sa Agosto 29.
“This year, we acknowledge that we will face a lot of challenges on top of the perennial problems that we have, but rest assured that the DepEd is relentless in its efforts to address these challenges. But we will need a whole-of-nation approach to successfully do this,” ani Undersecretary for Operations Revsee Escobedo
“That is why we are reaching out to our partners, and your support is very much welcome,” dagdag ng DepEd official.
Sa panig ng Philippine National Police (PNP), tiniyak ng kapulisan ang kahandaan sa pagsisimula ng school year 2023-2024. Katunayan anila, nasa 31 PNP personnel ang idedeploy habang 6,000 police assistance desk ang itatayo malapit sa humigit kumulang 44,000 paaralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa hangaring tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante.
Tiniyak din ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi kakapusin ng mga pampublikong sasakyan ang mga estudyante.