ILANG araw bago ang pormal na pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan, inamin ng Department of Education (DepEd) na nananatiling kapos ang mga silid-aralan para sa school year 2023-2024.
Sa pagtataya ng DepEd, mahigit sa 159,000 classrooms – kasama ang nasa 440 silid-aralang nawasak ng bagyong Egay – ang kailangan maitayo ng kagawaran para sa 17.3 milyong mag-aaral.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, ipinaliwanag ni Education Assistant Secretary Francis Cesar Bringas na kabilang sa mga batayan ng departamento sa pagtatala ng kakulangan ang congestion rate, at ideal ratio sa pagitan ng silid-aralan at mag-aaral mula sa antas ng kinder hanggang senior high school.
Gayunpaman, hindi pa aniya kasama sa naturang bilang ang mga paaralang binaha at bahagyang napinsala ng mga nagdaang bagyo.
Nagpahayag din ng pagkabahala ang DepEd official kung kakayanin ng kagawaran balikatin ang pagpapagawa ng mga dagdag-silid aralan lalo pa’t base aniya sa panukalang DepEd budget, masyadong maliit ang inilaan sa pagpapatayo at pagkukumpuni ng mga bago at nasirang classrooms.
Sa pagtataya ni Bringas, nasa P2 milyon ang kailangan ng kagawaran sa bawat silid-aralan pero ang nakalaan batay sa panukalang budget ay P10 milyong lamang.