
KOLEHIYONG nakatutok sa specialization na maaaring matapos sa loob ng tatlong taon. Ito ang unang panukalang batas na inihain ni Senador Win Gatchalian sa pagbubukas ng 20th Congress.
“Noong nagdagdag tayo ng dalawang taon sa high school, ipinangako natin sa ating mga kababayan na iikli ang panahong kailangan ilaan sa kolehiyo. Panahon na upang tuparin natin ang pangakong ito,” ani Gatchalian.
Layunin ng Three-Year College Education (3CE) Act na bigyan ang Commission on Higher Education ng kapangyarihang pahintulutan ang mga programa sa kolehiyo na hindi lalampas sa tatlong taon. Sa kabila nito, kailangang nakabatay sa mga pangangailangan ng industriya, international standards o benchmarks, at mga kinikilalang best practices.
Nakasaad sa panukalang batas na ibababa ang mga kurso ng General Education (GE) sa senior high school. Layon din ng panukalang batas na tiyakin ang kahandaan ng mga mag-aaral sa kolehiyo at mabigyan ng mas maraming panahon ang internship at advanced specialization.
Ibinahagi ni Gatchalian ang mga naging resulta ng pag-aaral ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), kung saan lumabas na ang mga programa ng kolehiyo sa Pilipinas ay itinuturing na GE-heavy at internship-light. (ESTONG REYES)