DUMEPENSA at nagpaliwanag ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay ng ulat na dumami ang mga Pilipinong nakaranas ng involuntary hunger o pagkagutom dahil wala silang makain, base sa resulta ng latest survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas kamakailan.
Sa naturang survey na isinagawa noong Abril 23-28, pinasagot umano ang 1,500 na 18-anyos at pataas mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa sa mga tanong na:
- Nitong nakaraang tatlong buwan, nangyari po ba kahit minsan na ang inyong pamilya ay nakaranas ng gutom at wala kayong makain?” (OO, HINDI)
- Kung oo: ”Nangyari po ba ‘yan ng MINSAN LAMANG, MGA ILANG BESES, MADALAS, o PALAGI?”
Umabot umano sa 20 porsyento – o isa sa bawat limang pamilyang Pilipino – ang nagsabing nakaranas sila ng pagkagutom dahil wala silang makain. Tumaas ito kumpara sa 19.1% na resulta sa katulad na SWS survey noong Abril 11-15 ng kasalukuyan ding taon.
Sa naturang 20% na nakaranas ng gutom, 16.4% ang dumanas ng “moderate hunger” o pagkagutom minsan o ilang beses, at 3.6% ang nakaranas ng “severe hunger” o madalas o laging nakakaranas ng gutom sa nakalipas na tatlong buwan.
Pinakamalaking bilang ng mga nakaranas ng gutom ay sa Mindanao (26.3%), kasunod ay sa Metro Manila (20.3%), Visayas (19.7%), at Balance Luzon — o mga erya sa labas ng Metro Manila (17%).
Nilinaw naman ng SWS na ang national hunger rate na ito ay bumaba mula sa 27.2% noong March 2025.
Lumabas din sa survey na 50% ng mga pamilya ang itinuturing ang kanilang sarili na mahirap (self-rated poverty) at nagmula sa mga ito ang pinakamalaking bulto ng mga nagsabing nakaranas sila ng gutom. Umaabot naman sa 42% ang nagsabing hindi sila mahirap, habang 8% ang nagsabing nasa borderline sila o nasa pagitan lang ng poor at not poor na kategorya.
Ipinaliwanang naman ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao na tuloy-tuloy ang kanilang mga programa para matiyak ang sapat at masustansyang pagkain para sa mga Pilipino, at pursigido silang wakasan ang kagutuman sa bansa.
“Since the beginning of the Marcos administration, we have been clear with our intentions to end hunger in the country. We acknowledge that this is a challenge that needs a whole-of-nation and whole-of-society approach,” aniya.
“As Secretary Rex Gatchalian often emphasizes, ending hunger may be difficult, but it is possible,” dagdag ni Dumlao.
Sinabi ni Dumlao na lalo pa nilang pinalalawak ang Walang Gutom Program (WGP) na kasalukuyang nagbibigay ng P3,000 monthly food assistance per family sa 300,000 food-poor households o katumbas ng 1.5 milyong indibidwal.
Tuloy-tuloy din aniya ang kanilang Walang Gutom Kitchen Program na nagbibigay ng hot-and-nutritious meals sa mga nasa kalye, at ang Supplementary Feeding Program (SFP) na nakatakdang magpakain ngayong school year 2025-2026 sa 1.5 milyong batang edad 2-4 anyos na naka-enroll sa supervised neighborhood play (SNP) at mga edad 3-5 anyos na naka-enroll naman sa child development centers. (REGGIE VIZMANOS)
