
KASUNOD ng panibagong pang-iisnab at kawalan ng respeto sa Kamara ni Vice President Sara Duterte, laking-pasalamat ng ilang miyembro ng Kamara na wala na si Department of Education (DepEd) si Vice President Sara Duterte.
Pangamba ni House Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun, malamang natengga na rin ang panukalang budget ng naturang ahensya kung si VP Sara pa rin ang Kalihim ng nasabing ahensya.
Aniya, nakakadismaya ang bise-presidente sa patuloy na hindi pagsipot sa Kamara para sa angkop na pagtalakay sa 2025 proposed budget ng Office of the Vice President (OVP).
“Buti na lang at si Secretary Angara na ang Secretary ng Department of Education,” wika ni Khonghun.
Kaugnay sa pagmamatigas ng bise-presidente na sumala sa proseso ng paghimay ng Kamara panukalang taunang pondo na ilalaan sa mga ahensya ng pamahalaan, binigyan-diin ni Khonghun na “lahat ng departamento ay kailangan dumaan sa prosesong ganito, wala pong exempted dito,”
“Binibigyan naman ng respeto at paggalang ang opisina ng VP. ‘Yun lang sana umattend, respetuhin ang proseso at sana huwag pa-baby at talagang kailangan kasi natin malaman saan niya dinadala, ginagamit ang budget ng OVP. So, sana respetuhin niya ang proseso at magpadala ng representative or umaten siya sa budget hearing na lahat naman ang mga departamento ginagawa,” dagdag ng Zambales solon.
Sa panig ni Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez, sinabi niyang sa mga naging asal ni Duterte, napaisip siya sa kung ano ang mangyayari sa 2025 budget ng DepEd kung si VP Sara pa rin ang kalihim.
“Kaya iniisip ko, kung hindi siya nag-resign sa DepEd at ganito rin ang mangyari sa budget ng DepEd, ano kaya ang nangyari? Ilang teachers kaya ang umaasa sa DepEd na empleyado natin,” sambit ni Suarez sa pulong balitaan.
Paglilinaw ni Suarez, wala siyang pakialam kahit sino pa ang DepEd Secretary kasabay ng giit na ang sektor lang ng edukasyon ang kanyang tanging ikinababahala kung hahawakan ng isang Kalihim na walang malasakit sa mga guro at mag-aaral.
“Halos isang milyon na teachers yata ang umaasa sa DepEd budget, at hindi lang ‘yung mga teachers, pati ‘yung mga bata, mga paaralan, at mga magulang na umaasa sa maayos na edukasyon,” punto pa ng mambabatas.
Para naman kay House Assistant Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V, ang mga naging aksyon ng dating presidential daughter ay naglalagay ng kuwestyon sa klase ng kanyang pamumuno.
“This is nothing personal para sa pagkakaintindi po ng taong bayan. This is not even a question for her as a Secretary, as the Vice President. For me, ang totality po lahat nito, this is a question of leadership,” giit ni Ortega.
“Can you lead the department? Can you lead your office? Kaya mo bang i-lead ang Pilipinas? Kaya mo bang i-lead ‘yung constituency mo?” tanong pa nito. “So, kung may problema ka bilang leader, paano ‘yung mga umaasa sa iyo at saka mga nasa likod mo? So, it’s a leadership problem and a leadership question.” aniya pa.
Una nang nagpasaring si Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro sa di umano’y sandamakmak na problemang iniwan ni VP Sara sa DepEd matapos bumaba sa pwesto noong Hulyo.