DAHIL sa matinding alinsangan na dala ng pagpasok ng panahon ng tag-init, sinuspinde ng ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila ang mga klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa nasasakupan.
Kabilang sa mga naglabas ng “class suspension” ang mga lungsod ng Maynila, Marikina, Caloocan City, Las Piñas, Malabon, Parañaque, at Valenzuela.
Sa pagtataya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), pumalo sa 46 degrees Celsius ang antas ng alinsangan (heat index) sa Metro Manila.
Ayon sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), layon ng class suspension na matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante sa gitna ng matinding init.
Sa Marikina City, isang panawagan ang paabot ng lokal na pamahalaan — ibayong ingat lalo pa’t higit pa sa naitalang antas ng heat index ang posibleng maranasan sa sandaling magsimula na ang totoong tag-init.
“Pinapayuhan ang bawat isa na gawin ang ibayong pag- iingat. Manatili sa loob ng bahay hangga’t maaari at madalas na uminom ng tubig for hydration,” saad sa pahayag ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro.
