MATAPOS ang matagumpay na barikada laban sa operasyon ng isang minahan sa Sibuyan Island, mga mamamayan naman ng Brooke’s Point sa Palawan ang umalma laban sa di umano’y mapaminsalang operasyon ng nickel mining sa naturang bayan.
Pangamba ng mga katutubong residente, banta sa kanilang kabuhayan at luntiang kalikasan ang nickel mining na isinasagawa ng Ipilan Nickel Corporation (INC) sa katimugang bahagi ng nasabing munisipalidad.
Bilang pagtutol, isang barikada ang inilunsad ng mga residente sa hangaring tuldukan ang anila’y pamiminsala ng INC sa kanilang kalikasan.
Pag-amin ni Mamilmar Dubria, isang lider-kabataan, nabuhayan ang kanilang mga residente sa ipinamalas na tapang ng mga taga-Sibuyan kung saan nagawang ipasuspinde sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang operasyon ng minahang pag-aari di umano ng pamilya Gatchalian – ang Altai Philippines Mining Corporation (APMC).
Hindi aniya matatawaran ang kagitingan ng mga kapwa katutubong Dumagat mula sa mga lalawigan ng Rizal at Quezon na nanindigan naman laban sa napipintong pagtatayo ng Kaliwa Dam para tugunan ang nakaambang kakulangan sa supply ng tubig para sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
“Kung kaya ng mga Sibuyanon at Dumagat na manindigan, bakit hindi kami?”
Paliwanag ni Dubria, sa kagubatang winawasak ng INC nakasandig ang kanilang kabuhayan.
Giit pa ng lider-kabataan, sakop ng protected area ang Mt. Mantalingahan-Pulot Range simula pa taong 2009.
“”Tahanan namin ang kagubatan. Sa kagubatan din kami kumukuha ng pagkain at nakasandal para sa aming kabuhayan,” aniya pa.