MAY isa na namang maanomalyang multi-bilyong cash-sunduan sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic ang nabisto sa pagdinig ng House Committee on Transportation kamakailan.
Isiniwalat ni DOTr Undersecretary Cesar Chavez na sa idineliber na 120 bagon para sa LRT-1 Cavite Extension, 80 ang hindi mapakikinabangan dahil tumutulo kahit ito’y brand new.
Ang mga bagon ay nagkakahalaga ng P12-B, anim na bilyong piso na ang naibayad para sa mga ito.
Nagmula ang pondo mula sa inutang sa Japan International Cooperation Agency (JICA) noong 2017
Ayon kay Chavez, nangyari ito sa panahon ng pandemya noong 2021 na hindi nakapagpadala ang gobyerno ng mga tauhan para isagawa ang factory acceptance test sa Mitsubishi Construcciones y Auxiliar de Ferrocarriles, S.A. (CAF), isang Spanish-Japanese company, na gumawa ng mga bagon.
Syempre pa, nangyari ito noong administrasyong Duterte at isa lamang sa humahabang listahan ng mga anomalyang nangyari sa panahon ng pandemya.
Nariyan ang P8-B Pharmally scandal, P2.4-B DepEd laptop issue, P15-B PhilHealth anomaly at ang kinuwestyong paggasta ng P10.4 bilyong pondo ng Special Amelioration Program (SAP).
Kabilang rin sa nabistong mga anomalyang nangyari noong administrasyong Duterte ng P6.4-billion ‘shabu’ smuggling noong 2017, P11-B shabu smuggling noong 2018, P40-B “pastillas” human trafficking scheme, P6-B PAGCOR -GlobalCom RCI contract, Good Conduct Time Allowance (GCTA) scam at P1-B plunder sa Bureau of Corrections (BuCor).
Inaasahang darami pa ang mabubukong anomalya na naganap sa tungki ng ilong ni Duterte.
Isang malaking hamon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos ang pagpapanagot sa mga nasa likod ng sanrekwang anomalyang naganap sa sinundan niyang administrasyon.
Pero marami ang nagdududa kung kaya niyang mabigyan ng hustisya ang panggagahasa sa kaban ng bayan at ginawang pambababoy sa batas lalo na’t marami ring dapat panagutan ang kanyang pamilya sa panahon ng kanyang amang si Marcos Sr.
Ngunit kung gusto niyang makapagbangong-puri mula sa imaheng “kleptocrat” ng kanyang pamilya, mas makabubuting iutos niya ang pagpapaigting ng kampanya kontra-korupsyon ng kanyang administrasyon para makaakit ng totoong suporta ng domestic at foreign investors at ng international community.
Aksaya lamang ng panahon at pera ng bayan ang kanyang madalas na foreign trip kung sa kanyang sariling bansa ay pinagtatawanan lang siya ng mga kriminal at corrupt.