BILANG paghahanda sa paparating na bagyo, pansamantalang isinara ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang 14 na national roads sa mga rehiyon na posibleng tamaan ng bagyong Opong.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ng DPWH ang mga pangunahing kalsada sa Cordillera Administrative Region, Region 1, Region 2 at Region 7.
Ayon sa kagawaran, isinara muna sa lahat ng uri ng sasakyan ang mga pangunahing daluyan ng trapiko para tiyakin ang kaligtasan ng mga motorista sa inaasahang hagupit ng bagyo — na sasabayan pa ng habagat.
Kabilang sa mga apektadong kalsada ay matatagpuan sa Apayao, Benguet, Ilocos Sur, Ilocos Norte, Dagupan, Pangasinan, La Union, Cagayan, Isabela at Eastern Samar kung saan sinasabing may mataas na posibilidad ng pagbaha, pagguho ng lupa, at pagbagsak ng mga bato at puno sa kalsada.
Samantala, tiniyak ng DPWH ang agarang tugon sa mga nabanggit na rehiyon kung saan idinispatsa ang hindi bababa sa 384 personnel at 75 equipment para sa clearing operation.
