SA hangarin makabawi sa nawalang kita ng gobyerno bunsod ng hindi pagbabayad ng buwis, nagpasya ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na ipasubasta ang apat na luxury cars na pag-aari ng mag-asawang kontratistang sina Curlee at Sara Discaya.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ang mga mamahaling sasakyan na nasamsam ng kawanihan mula sa St. Gerrard Construction General Contractor & Development Corporation na pagmamay-ari ng pamilya Discaya. Kapwa nahaharap sa kasong tax evasion ang mag-asawang nakapiit bunsod ng hiwalay na kasong may kinalaman sa maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.
Isasagawa ang subasta sa Hunyo 29, mula alas 9:00 ng umaga hanggang alas 12:00 ng tanghali, sa punong tanggapan ng BIR sa Quezon City.
Nakarehistro umano sa naturang construction firm ang mga sasakyan na nakumpiska kaugnay ng tax assessment at collection proceedings ng ahensya laban sa kompanya.
Kabilang sa mga nakatakdang isalang sa public auction ang 2017 Mercedes-Benz Sprinter 316 CD, 2020 Mercedes-Benz GLS 350D AMG L, 2019 Land Rover Range Rover LWB, at 2023 Land Rover Defender 130, na tinatayang may kabuuang halagang P26.14 milyon.
Paglilinaw ng BIR, hangad lang ng ahensya mapabilis ang koleksyon ng buwis at maiwasan ang patuloy na pagbaba ng halaga ng mga sasakyan habang nasa kustodiya ng kawanihan.
