ANG pagtulong hindi dapat maantala o paabutin pa sa panahon ng kampanya, ayon sa grupong FPJ Panday Bayanihan partylist, kasabay ng paghahatid ng tulong sa mga komunidad na lubos na apektado ng kalamidad dulot ng bagyong Kristine.
Sa pakikiisa ng mga volunteers sa iba’t ibang panig ng bansa, sinimulan ng FPJ Panday Bayanihan Partylist group ang kabi-kabilang relief operations sa mga binayong lalawigan sa Bicolandia at Visayas region.
Target ng grupong higit na kilala sa pagtulong sa nakalipas na 11 taon maghatid ng pagkain, malinis na tubig, gamot at iba pang pangangailangan sa mga pamilyang nasalanta ng bagyong Kristine.
Noong Huwebes, naghatid ng daan-daang food packs ang mga local volunteers mula sa FPJ Panday Bayanihan sa Catbalogan, Samar, isa sa mga lugar na lubhang tinamaan. Kasado na rin anila ang relief operations para sa Bicol region na nahaharap sa matinding pinsala, partikular sa Albay at Camarines Sur.

Pinuri ni Dr. Brian Poe Llamanzares, ang unang nominado ng FPJ Panday Bayanihan partylist, ang mga boluntaryo sa kanilang dedikasyon at maagap na pagkilos.
“Saludo ako sa ating mga boluntaryo, mangyaring manatiling ligtas habang tinutulungan ang ating mga kababayan,” wika ni Llamanzares sa isang pahayag, kasabay ng diin sa kahalagahan ng kaligtasan sa mga pagsisikap sa pagtulong.
Batay sa impormasyon mula sa National Disaster and Risk Reduction Management Council (NDRRMC) at Office of Civil Defense (OCD), nagdulot ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang probinsya ang bagyong mabagal na kumikilos sa direksyon ng kanluran bitbit ang 145 kph lakas ng hangin.
Kabilang sa lubhang apektado ng bagyong Kristine ang mga lalawigan ng Albay at Camarines Sur kung saan naitala ang pagkawasak ng mga tahanan at pinsala sa mga imprastraktura.
Hagip din ng bagsik ng delubyo ang Catanduanes at Northern Samar.
