Ni ESTONG REYES
HAYAGANG hinamon ni Senador Alan Peter Cayetano ang administrasyon Marcos na puksain ng tuluyan ang kalakalan ng drogang aniya’y mabilis na umarangkada sa pagbaba sa pwesto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Giit ni Cayetano, ituloy ang agresibong giyera kontra droga katulad ng ginawa sa anim na taong termino ng dating Pangulo.
“Paalala sa lahat – lalo na sa mga pulis – ituloy ang laban sa droga. Medyo bumabalik ng kaunti eh,” ani Cayetano sa pagbisita kay Duterte nito lang nakaraang Miyerkules.
Para magtagumpay ang laban kontra droga, angkop lamang aniyang manindigan ang nakaupong Pangulo sa likod ng pulisya, bagay na di umano’y sinegundahan ni Duterte.
“Kailangan lang ng concrete and very strong statement coming from the Executive that he will protect you when you do right and he will crush you if you do it wrong,” sambit naman ng retiradong Pangulo.
“Dalawa lang naman ‘yan: tama o mali. Pumili kayo. Doon kayo sa mali, madisgrasya kayo. Dito sa tama, maligaya kayong lahat. Ako po’y hindi na Presidente, pero gayunpaman, nagwa-warning ako sa inyo,” dagdag pa niya.
Sa pagpasok ng 2023, maagap na pinaalalahanan ni Cayetano si Marcos Jr. na ituloy ang agresibong pagtugis sa mga sindikato at mga kakuntsabang pulis sa likod ng pinakamalaking industriyang sumisira sa kinabukasan ng mga kabataan.
Samantala, nanawagan rin sa publiko si Cayetano para ipagdasal ang dating Pangulo, kasabay ng pasasalamat sa hindi matatawaran ambag ni Duterte sa sambayanan.
“Mga kababayan, please continue your prayers and support sa ating mahal na Pangulo na nagmamahal sa ating bansa. Maraming salamat po boss sa ginawa mo sa bansa,.”
