MAS malayo sa baybayin, mas ligtas, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) kasabay ng babala hinggil sa umano’y posibilidad ng pagsampa ng alon kasunod ng malakas na lindol na yumanig sa Kamchatka, Russia kaninang umaga.
Ayon sa PhiVolcs, inaasahang hindi lalampas sa isang metro ang taas ng mga alon na maaaring maramdaman sa bansa.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga sumusunod na coastal area malapit sa Karagatang Pasipiko:
Luzon: Batanes Group of Islands, Cagayan, Isabela, Aurora, Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Sorsogon at Catanduanes
Visayas: Northern Samar, Eastern Samar, Leyte at Southern Leyte
Mindanao: Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Davao del Norte, Davao Oriental, Davao Occidental, Davao del Sur at Davao de Oro
Naitala ang lindol bandang 7:25 ng umaga (Philippine standard time), na may lakas na magnitude 8.7 at lalim na 74 kilometro sa silangang baybayin ng Kamchatka Peninsula.
Pagtitiyak ng PhiVolcs, patuloy na babantayan ang sitwasyon kaugnay ng abiso.
