TALIWAS sa karaniwang 20 hanggang 25 bagyong pumapasok sa bansa taon-taon, nasa 13 hanggang 16 lang na sama ng panahon ang posibleng maranasan ng mga mamamayan sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan.
Sa inilabas ng bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), sinabi ni Climate Monitoring and Prediction Section (CLIMPS) Officer-in-Charge Ana Liza Solis na limitado ang bilang ng mga bagyong papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa mga nalalabing buwan ng 2024.
Gayunpaman, nagbabala si Solis sa inaasahang pagdating ng mga higit na mapaminsalang bagyo kumpara sa mga nagdaang taon.
Kinumpirma naman niya ang paghupa ng epekto ng El Niño phenomenon.
Posible rin aniya ang kalat-kalat na pag-ulan sa pagsapit ng Hunyo.
Batay na rin sa datos ng PAGASA, asahan ang mabigat na buhos ng ulan sa silangan at timog na bahagi ng bansa, partikular sa Mindanao sa darating na Oktubre na dahil naman sa La Niña phenomenon.
