Ni LILY REYES
BAGAMAT umiiral pa rin sa buong bansa ang El Niño phenomenon, asahan ang paghupa ng matinding init ng panahon sa pagpasok ng buwan ng Hunyo, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon kay PAGASA chief Nathaniel Servando, asahan din ang bahagyang pagbaba temperatura, kasabay ng paalala hinggil sa pananatili aniya ng tinatawag na “lag effect.”
Katunayan ani Servando, nakaranas ng kalat-kalat na pag-ulan o yaong mga tinaguriang local thunderstorms sa mga nakalipas na araw ang iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang ang lalawigan ng Pangasinan kung saan naitala ng ahensya ang pinakamataas na temperatura.
Batay sa pinakabagong datos na inilabas ng Department of Agriculture (DA), pumalo na sa higit 6.3 bilyon ang pinsalang tinamo ng sektor ng agrikultura bunsod ng El Niño.
Inaasahan naman sa paglisan ng El Niño ang mabigat at madalas na buhos ng ulan sa bansa sa pagpasok ng La Niña phenomenon.
