NADAGDAGAN pa ang mahabang talaan ng mga atraso ng China sa Pilipinas matapos mabisto ang operasyon ng Chinese dredger na namataan ng mga mangingisdang Pinoy sa karagatang sakop ng bayan ng Bucao sa lalawigan ng Zambales.
Partikular na tinukoy ng Kilusan Laban sa Imperyalismo ng China (KLIC) na itinatag noong taong 2012 para magbantay sa Spratlys, ang presensya ng dredging vessel na Hong Fa 158 na di umano’y ginagamit ng China sa paglikha ng artificial island sa West Philippine Sea.
Para kay Prof. Arturo Boquiren na tumatayong lider ng KLIC, mas naging agresibo ang China sa paglikha ng panibagong artificial island gamit ang mga korales na kinokolekta di umano ng naturang dredging vessel.
Pasaring ni Boquiren, gagawin ng China ang lahat kesehodang mawasak ang yamang dagat at mawalan ng kabuhayan ang mga mangingisda.
“Ang mga ilegal na aktibidad na nagdudulot ng perwisyo sa kalikasan at sa kabuhayan ng mga mangingisda sa West Philippine Sea ay malinaw na indikasyon ng isinusulong na imperyalismo ng China,” patutsada ng retiradong propesor.
Batay sa mga pag-aaral, umabot na sa 6,600 ektarya ng bahura ang nawasak bunsod ng mga ilegal na aktibidad ng China sa loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone. Sa pagtataya ng grupo, dekada ang bibilangin bago maghilom ang perwisyong dulot ng China sa iba’t ibang bahagi ng West Philippine Sea.
Nabisto ang presensya ng Hong Fa 158 habang isinasagawa ng mga kongresista ng Kamara ang konsultasyon sa mga apektadong mangingisda mula sa bayan ng Masinloc noong nakaraang linggo.
Batay sa nakalap na datos ni Boquiren, pasok ang operasyon ng Hong Fa 158 sa “bareboat charter” sa Oromarine na ginagamit aniya ng isang Chinese contractor na nasa likod din ng Manila Bay Reclamation project sa gawing bahagi ng Pasay City.
Ilang araw pa lang ang lumipas nang maispatan ng mga mangingisda ang Hong Fa 158 sa habang nagsasagawa ng konsultasyon ang mga kongresista mula sa Kamara de Representantes sa mga sektor na apektado ng pambabarako ng Chinese Coast Guard sa Bajo de Masinloc.
Sa pagsisiyasat ng grupo ni Boquiren, lumalabas na konektado ang Hong Fa 158 sa China Harbour Engineering Company (CHEC) — ang kontratistang nagtatambak ng lupa sa malaking bahagi ng Manila Bay.
Kaladkad din sa usapin ang kontrobersyal na China Communications Construction Company (CCCC) na dati nang tinabla ng Estados Unidos matapos mabisto ang paniniktik at paglikha ng mga artificial island sa iba’t ibang bahagi ng daigdig — kabilang ang West Philippine Sea.
Paglalarawan ni Boquiren, hayagang paglabag ang presensya ng Chinese dredger sa umiiral na suspensyon sa pagmimina ng buhangin sa mga anyong tubig na sakop ng lalawigan ng Zambales.
“It is deplorable…ultimately, world fish supply will be affected as lives and ecology are interrelated,” dugtong pa niya kasabay ng panawagan para sa sabayang pagkilos para pigilan ang tinawag niyang imperyalistang China.
Buwan ng Marso nang embarguhin ng Philippine Coast Guard ang 17 sa 28 sasakyang dagat na pinaniniwalaang sangkot sa dredging activities sa karagatang sakop ng Zambales.
Sa 28 sasakyang dagat, tatlo ang pag-aari ng mga banyaga, habang rehistrado naman sa Pilipinas ang 25 iba pa, ayon kay Philippine Coast Guard Rear Admiral Armando Balilo, matapos ang isinagawang inspeksyon kung saan umabot sa 344 ang nasilip na bulilyaso.
Nanawagan na rin si dating Foreign Secretary Teodoro Locsin sa pamahalaan para ibasura ang kontrata ng mga kumpanyang natukoy na sangkot sa illegal reclamation sa West Philippine Sea – tulad ng ginawa ng Estados Unidos sa mga tampalasang dayuhan.
“We call on environmentalists, the entire Filipino people and all citizens from all nations to dissuade China from her imperialist ways and follow the 2012 arbitral ruling of the UNCLOS.”
“The presence of international forces in the WPS is a step in the correct direction to dissuade the imperialism of China from degrading the state of the environment, marine life and fish habitats in the WPS,” aniya, kasabay ng hirit sa China na tantanan ang Pilipinas at ang nasa 1,400 Pinoy na umaasa sa pangingisda para buhayin ang pamilya.
