KONTING ulan binabaha kaso nga ubos na ang mga kabundukan at kagubatan dahil sa walang habas na pagmimina at pagtatayo ng mga subdivision at private resorts sa tulong ng mga politiko.
Ito ang buod ng pahayag ni House Assistant Minority Leader at Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas, kasabay ng panawagan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa agarang kanselasyon sa lahat ng quarrying permit, deforestation, at land conversion activity sa lalawigan ng Rizal matapos ang pagbaha at at pagguho ng lupa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Enteng.
“Kung papansinin, mas mabilis at mas matindi ang pagbaha ngayon sa mga komunidad lalo na sa probinsya ng Rizal at Marikina City kahit konting ulan lang kumpara ng mga nakaraang taon. Resulta ito ng mas pinatinding quarrying, deforestation, at iba pang mga aktibidad na nakakasira sa kalikasan,” wika ni Brosas.
Partikular na tinukoy ng militanteng kongresista ang bulubunduking bahagi ng Rizal na aniya’y isang natural flood control system na nagbibigay ng proteksyon sa mga taga-Metro Manila.
“The massive environmental destruction and plunder of the Upper Marikina Watershed by mining and quarrying interests have left communities vulnerable to flooding and landslides,” ani Brosas.
“Itong mga pagbaha noong nakaraan ay hindi natural disaster tulad ng sinasabi ng gobyerno – ito ay masasabi nating man-made catastrophe. Dapat ipatigil na ito ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan.”
