HINDI na nagawa pang pumalag ng isang dating alkalde matapos dakpin ng mga pulis sa ikinasang buy-bust operation sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Sa ulat ng Philippine National Police (PNP), hindi binanggit ang pangalan ng suspek na umano’y nagsilbing mayor ng Sto. Domingo, Nueva Ecija mula 2007 hanggang 2010.
Sa pagsasaliksik ng Saksi Pinas, lumalabas ang pangalan ng isang Marvin Farinas na sinasabing tulak umano ng droga sa iba’t ibang lokalidad na sakop ng Nueva Ecija.
Batay sa inisyal na impormasyon, dinakip ang dating mayor matapos bentahan ng shabu ang isang undercover agent sa munisipalidad ng Talavera.
Narekober din umano ang marked money at 70 gramo ng shabu na anila’y may katumbas na halagang halos kalahating milyon.
Wala pang pahayag ang dating mayor na nahaharap sa kasong paglabag ng Comprehensive Dangerous Drugs Act. Kasalukuyang nakapiit ang dating mayor sa piitan ng himpilan ng pulisya sa bayan ng Talavera. (EDWIN MORENO)
