SA hangaring itaas ang antas ng kalidad sa edukasyon, ganap nang itinulak ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang DigiTech Program sa 54 na pampublikong paaralan sa loob ng nasasakupan.
Sa isang kalatas, ipinagmalaki ni Senador Alan Peter Cayetano ang pamamahagi ng 2,451 Smart TV, 3,000 tablet, at 406 interactive screens sa anim na pilot schools sa naturang lungsod — bukod pa sa maaasahan at mabilis na internet connection sa lahat ng pampublikong paaralan sa Taguig City.
“Thank you, Lord God, for science and technology, for gifting the City of Taguig with people blessed in these areas, and for the improvement that this will bring to all Taguigeños,” wika ni Cayetano na tumatayong chairman ng Senate Committee on Science and Technology.
Bahagi rin ng Taguig DigiTech Program, ang pagtataguyod ng robotics at computer laboratories para sa coding at digital literacy, at digital classroom para sa interactive at immersive lessons sa Senador Renato “Compañero” Cayetano Memorial Science and Technology High School.
Para kay Mayor Lani Cayetano, higit na angkop tugunan ang tinawag niyang learning crisis sa mga kabataang Pilipino sa tulong ng mga makabagong kagamitan sa mga pampublikong eskwelahan ng Taguig.
Base kasi sa Programme for International Student Assessment (PISA), nasa ika-77 ang Pilipinas sa 81 bansa pagdating sa science, mathematics, at reading proficiency.
“Our city is proactive in combating the learning poverty faced by the education sector in our country. We have recognized the problem, and we are now implementing solutions,” wika ng alkaldeng kabiyak ng senador.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang programa ay idinisenyo upang masigurong abot-kaya para sa mga estudyante at guro ang digital tools bilang paghahanda sa hamon ng teknolohiya.
“Ang mga bagong pasilidad natin ay sumasalamin sa ating pangako na palakasin ang kalidad ng ating edukasyon at ihanda ang ating mga mag-aaral para sa hinaharap,” ani Mayor Cayetano.
Bukod sa pagtanggap ng mga gadget, dadaan ang estudyante sa digital literacy training na sumasaklaw sa responsableng paggamit ng internet, artificial intelligence, at multimedia design. Magkakaroon din ng specialized training ang mga guro para masulit ang mga gamit sa classroom.
Matagal nang itinataguyod ni Senator Cayetano ang digital education at hinihikayat niya ang pagkakaroon ng mga laptop at mabilis na internet para sa estudyante at guro.
“For decades, our government has not invested in digital infrastructure and learning management systems. The shift to online learning since the pandemic has been a wake-up call,” anang senador sa isang hiwalay na pahayag.
Kamakailan lang pinagtibay sa ikatlo at huling pagbasa ng senado ang panukalang Konektadong Pinoy Act na akda ni Cayetano. Layon aniya ng naturang legislative measure isulong ang mabilis at maaasahan internet sa buong bansa.
“May the committee and the Senate as a whole be an instrument of advancing God’s kingdom for all Filipinos, through science and technology,” aniya. (ESTONG REYES)
