IIYAK na naman ba ang publiko sa bumubwelong pagtaas na naman ng presyo ng sibuyas?
Sa datos kasi ng Agribusiness and Marketing Assistance (AMAS) ang price monitoring ng Department of Agriculture, ang retail price ng puting sibuyas sa National Capital Region (NCR) ay kasalukuyang nasa P160 hanggang P200 kada kilo.
Mas mataas ito kumpara sa P90 hanggang P150 lamang kada kilo noong Abril at Marso kung saan maraming mga kababayan natin ang nabuhayan ng pag-asa dahil maisasahog na muli ang sibuyas sa mga paboritong lutuin.
Noong kasing mga huling buwan ng 2022, pumalo sa mahigit P700 ang presyo ng sibuyas kada kilo, kaya napuwersang mag-angkat ang ating gobyerno dahil kung hindi eh dahil lamang sa sibuyas baka magkaroon na naman ng malawakang iyakan at masundan pa ng panibagong people power sa EDSA!
Pero sinisigurado na daw ng DA na doble-kayod sila upang ang presyo ng sibuyas sa bansa ay hindi na babalik sa all-time high na P600 hanggang P700 kada kilo.
Lahat daw ngayon ng pamamaraan ay ginagawa ng Kagawaran at syempre unang-una sa naisip ay ang importasyon o pag-angkat mula sa ibang bansa!
Ito kasi ang pinakamadaling paraan para magkamal, este para makapag-suplay ang ahensya ng maraming sibuyas partikular sa mga restaurant, supermarket at mga malalaking pamilihan sa bansa.
Sa ating mga ‘nakaka-marites’ dyan sa DA ay isinasa-pinal na umano ang pag-angkat ng gobyerno ng halos 10,000 metriko-toneladang puting sibuyas at pinag-aaralan din daw na idamay na ang pulang sibuyas!
Siguradong kakamot na naman sa ulo ang ating mga pobreng magsasaka, dahil hindi na naman papansinin ang kanilang ani at baka magkabaunbaon pa sa utang dahil namuhunan na ng fertilizer para sa sibuyas.
Talagang umaasa na ang bansa sa importasyon sa tuwing kakapusin ng suplay sa mga produktong agrikultura. Baka ang masaklap nito, may ilang mga tiwaling nakikipag-diyalogo sa mga sakim na negosyante para itago ang mga produkto at palitawing mayroon na namang matinding kakapusan kaya tumataas ang presyo sa merkado at presto….importasyon na may paldo-paldong komisyon na ang kasunod!
Huwag naman po. Sana walang ganitong pangyayari.
Sa unti-unting pagsirit na naman ng presyo ng sibuyas, nakapagtatakang parang hindi tayo natututo ng leksyon. Marami naman tayong mahuhusay at masisipag na magsasaka, bakit hindi sa kanila mamuhunan ang pamahalaan? Bakit hindi sila ang buhusan ng maraming pondo para hindi tayo kakaba-kaba na baka isang araw wala na tayong makain.
Ngayon, nagbabanta rin itong El Niño sa ating bansa. Malaking porsyento na naman ng mga sakahan ang matutuyo at posibleng hindi mataniman dahil sa matinding tagtuyot na aasahan, malaking kabawasan na naman sa pagkain sa bawat hapag at kasunod ng pagkalam ng sikmura ng maraming pamilya.
Gaano kahanda ang DA? Patung-patong na itong suliranin na kung anong bilis ng pagdami ng problema, siyang kupad naman yata ng pag-iisip ng solusyon. Ano na? Maghihintay na naman ba tayo ng susunod na Presidential Election? O iiyak na lang kami dahil sa sibuyas pa lang, kapus na kapus ang aksyon? Haynaku… mga konsumisyon!