SINISI ng Department of Health (DOH) sa cellphone, IPad at iba pang makabagong gadgets ang pagdami ng mga batang dumaranas ng malnutrisyon at obesity sa bansa.
Sa datos ng DOH, humigit kumulang sa tatlong milyong bata ang nakakaranas ng pagkabansot dahil sa malnutrisyon — bukod pa sa tatlong milyong tabatsoy dahil sa hindi wastong pagkain.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, tatlo sa sampung mga bata (katumbas ng 26.7 percent) ang bansot habang 30% naman ang obese o sobra ang timbang.
Pag-amin ni Herbosa, problema ng mga middle class family ang obesity ng mga batang kulang sa ehersisyo dahil sa haba ng oras na ginugugol sa mga makabagong gadgets.
“Ang kulang sa kanila ay exercise eh. Baka ito ‘yung kids na may Ipad na bata pa, may gaming, they lack exercise,” ani Herbosa.
Aniya, ang mga batang obese ay karaniwang dumaranas ng hypertension at diabetes dahil sa labis na pagkonsumo ng kanin at mga matamis na pagkain.
Para aniya tugunan ang problema sa kalusugan ng mga bata, nakatakdang makipag-ugnayan ang DOH sa Department of Education para ituro sa mga bata ang tamang nutrisyon at exercise.
Para naman sa mga batang bansot, dapat aniyang nasa sinapupunan pa lamang ng ina ay matutukan na at mabigyan ng tamang neonatal care upang maging malusog ang mga sanggol kapag ipinanganak.
