HINDI bababa sa 500 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa evacuation center matapos lamunin ng apoy ang mga kabahayan sa Tondo Maynila.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection – National Capital Region (BFP-NCR), tatlong indibidwal ang sugatan sa insidenteng naganap sa Building 7, Helping Compound sa kahabaan ng Road 10 kagabi.
Ayon sa ahensya, nagsimula ang apoy sa ikalawang palapag ng residential building na gawa sa light materials.
Kabilang sa mga nasugatan ang 32-anyos na nagtamo ng sugat sa tuhod, isang 18-anyos na may sugat malapit sa mata at 28 taong gulang na nagtamo ng sugat sa kaliwang braso.
Umabot sa ika-anim na alarma ang sunog na ganap na naapula dakong alas 6:00 kaninang umaga.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa hangaring matukoy ang sanhi ng sunog. (LILY REYES)
