SUKDULANG atakihin sa puso si Justice Secretary Crispin Remulla matapos matunghayan ang isang video footage ng ginanap na command conference ng National Bureau of Investigation (NBI) kamakailan.
Ang dahilan – maalindog na intermission number ng isang sexy dancer na pampawi ng bagot at stress sa hanay ng mga dumalong NBI officials sa dalawang araw na command conference na ginanap sa Diamond Hotel sa lungsod ng Maynila noong Hunyo 29 hanggang 20 ng kasalukuyang taon.
“Definitely, we do not like this to happen. We will investigate it also,” hinahapong pahayag sa isang pulong-balitaan ni Remulla isang linggo matapos sumailalim sa heart bypass surgery.
Bagamat hindi na pinalawig pa ng Kalihim ang detalye ng makabuhay-dugong intermission number ng sexy dancer, naniniwala aniya siyang hindi angkop ang mga kahalintulad na palabas sa mga aktibidades na may kinalaman sa usapin ng pamahalaan.
“These are the forms of misbehavior that we don’t need in the country,” wika pa ng DOJ chief.
Wala pang pahayag ang pamunuan ng NBI hinggil sa naturang insidenteng umami ng milyon-milyong views sa social media.