MANANATILING ‘uhaw’ ang mga residente sa mga lungsod sa gawing timog ng Metro Manila at maging ang mga karatig na bayan sa lalawigan Cavite bunsod ng patuloy na suliraning kinakaharap ng Putatan Treatment Plant.
Sa abiso ng Maynilad, inamin ng kumpanya ang mas mahabang sakripisyo sa hanay ng mga konsyumer sa apektadong lugar.
Batay sa mga lumabas na ulat sa pahayagan, buwan pa lang ng Disyembre ng nakaraang taon nagsimula ang ‘service interruption’ na ayon sa abiso ng Maynilad ay tatagal hanggang Marso 24.
Sinisi naman ng Maynilad ang hanging amihan na di umano’y dahilan kung bakit nananatiling malabo ang tubig sa Laguna de Bay kung saan kumukuha ng supply ang naturang kumpanya.
Pag-amin ni Maynilad Spokesperson Jennifer Rufo, posibleng sa kalagitnaan pa ng Abril bumalik sa normal ang supply ng tubig sa mga apektadong lugar.
“Magi-improve na nga po siya pero gradually lamang so hindi po siya immediate na mag i-increase ang production,” ani Rufo.
“So in the next couple of weeks, siguro around mid-April, mare-restore na po natin siya but we will provide updates po kung ano man ang magiging situation sa south,” dagdag niya.
“Tuwing amihan season, ang direksyon ng hangin, tinutulak ang tubig ng lawa papunta sa treatment plant natin. At dahil mababaw po ang Laguna Lake, mas mabilis mabulabog ang sediments sa lake bed kaya diretso po siyang pumupunta sa treatment plant,” paliwanag ni Rufo.