NI LILY REYES
ARESTADO ang 50-anyos na pintor habang tinutugis pa ang isa pang suspek matapos na igapos at pagnakawan ang kanilang employer sa Quezon City, kahapon.
Kinilala ni Lt. Col. Romil Avenido, hepe ng Batasan Police Station (PS6) ng Quezon City Police District (QCPD) ang isa sa naarestong suspek na si Alvin Macalinao Arzaga, pintor at residente ng Barangay Holy Spirit, Quezon City
Ayon kay Avenido, alas-11:20 ng umaga noong Agosto 20, armado ng patalim ay pwersahang pinasok ng mga suspek ang bahay ng kanilang employer na nasa tatlong-palapag na bahay sa kahabaan ng Digos St., sa Barangay Batasan Hills, sa nasabing lungsod.
Agad na iginapos ng packaging tape ng mga suspek ang kanilang employer at iba pang mga kasama sa bahay saka tinangay ang dalawang cellphone na nagkakahalaga ng P13,000, isang iPad na nagkakahalaga ng P16,000, at P4,000 cash, gayundin ang mga ID at ATM card saka tumakas sakay ng motorsiklo.
Nang matiyak na wala na ang mga suspek, nagawa ng biktima makakalas sa pagkakatali at agad na nagsumbong sa himpilan ng lokal na pulisya.
Mabilis naman rumesponde ang PS6, kasama ang Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QPCD sa pamumuno ni Maj. Don Don Llapitan, at nadakip ang pintor sa San Roque St., Barangay Holy Spirit, noong Agosto 23, dakong alas 4:40 ng hapon.
Ayon sa suspek, nagawa lamang niyang nakawan ang amo bunsod ng hindi pagtupad sa kasunduan kaugnay ng kabayaran sa kanilang trabaho.
Inihahanda na ang kaso laban sa pintor habang patuloy pang tinutugis ang mga kasabwat nito.
