NADAKIP ang isang babaeng nakapambiktima sa isang pulis at negosyante ng halagang P51 milyon para umano sa gaganaping K-Pop concert at iba pang foreign artists ngayong Nobyembre.
Sa isang entrapment operation sa isang restaurant sa Quezon City, hindi na nakapalag ang suspect na si Glenda Alvera Navarro, 54, ng Project 2, Quezon City.
Inireklamo siya nina Lt. Matthew Bagtas Fajardo, 24 at Bryan Del Dignadice Chua, 25.
Nabatid na si Navarro ay events promoter ng NEUWAVE Events and Promotions, Inc.
Batay sa reklamo ng mga biktima, namuhunan sila ng halagang P51 milyon sa kompanya ni Navarro sa pangakong interes na 50 porsiyento para sa mga concerts sa bansa.
Nagawa pang mag-isyu ng tseke ni Navarro subalit lumitaw na closed account na ito kaya hinarap nila ito at nakiusap na ibalik ang kanilang investment.
Sa halip na ibalik ang investment ng mga biktima, muling humihingi ng P16,000,000 si Navarro kaya ikinasa ng mga pulis ang entrapment operation.
Dakong alas-8 ng gabi nitong Huwebes nang arestuhin sa loob mismo ng isang restaurant sa Kalayaan Avenue sa Quezon City si Navarro.
Nahaharap sa kasong large scale estafa si Navarro.
