
BALIK na sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) si Teofilo Guadiz bilang chair isang buwan matapos itong tanggalin ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr dahil sa alegasyon ng korupsiyon sa ahensiya.
Kinumpirma ito ni Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista sa CNN Philippines Sabado ng gabi.
Epektibo ang pagbabalik ni Guadiz sa ahensiya sa Lunes, Nobyembre 6.
Naging kontrobersiyal ang ahensiya matapos ibunyag ng dating empleyado na si Jeffrey Tumbado ang umano’y talamak na korupsiyon sa tanggapan kung saan milyones ang sangkot na halaga para mapagbigyan ang ilang indibidwal sa minimithing ruta.
Sinabi ni Tumbado na ang lagayan ang nakararating sa mataas na opisyal ng gobyerno, kasama na ang ilang tiwali sa Malacañang.
Matapos ibunyag ni Tumbado ang pasabog ay binawi rin niya ito makalipas lamang ang dalawang araw.
Ipinatawag si Tumbado sa Kongreso upang magkaroon ng mas malalim na imbestigasyon ngunit hindi nito napanghawakan ang mga akusasyon dahilan para ikulong siya ng 10-araw sa contempt.
Napikon ang mga kongresista sa walang katuturang sagot ni Tumbado dahilan para ikulong ito.