MULING kinalampag ng sektor ng mga kababaihan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa usapin ng value-added tax (VAT) na ipinapataw sa buwanang singil sa konsumo ng kuryente at sa iba pang pangunahing bilihin sa merkado.
Bukod sa VAT, hinamon din ng Gabriela partylist group ang administrasyon na ipakulong lahat ng sangkot sa flood control scandal — kesehodang kaanak, kaalyado o kaibigan.
Isinusulong rin ng Gabriela ang dagdag-sahod para sa mga obrero.
“Baon na baon sa utang ang milyun-milyong Pilipino dahil sa napakataas na presyo ng bilihin at mga pangunahing serbisyo, mababang sahod, at kawalan ng disenteng trabaho. Pero kung tutuusin, ang administrasyong Marcos ang may pinakamalaking pananagutan sa mamamayan dahil sa patuloy na pagpapabigat sa buhay ng kababaihan at kanilang mga pamilya,” wika ni Gabriela partylist Rep. Sarah Elago.
“Patuloy na pinapasan ng kababaihan ang krisis dahil sa 12% VAT na isa sa nagpapataas sa presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo at sa napakataas na singil sa kuryente na hindi naman tinutugunan ng gobyerno,” dugtong ng militanteng kongresista.
“Panahon na para singilin ang gobyernong ito ng konkretong aksyon, dapat tanggalin na ang VAT sa batayang pangangailangan ng mamamayan, dagdagan ang sahod at kabuhayan, at unahin ang lokal na agrikultura at produksyon.”
