
TIMBOG sa nagpapatrolyang pulis-Maynila ang dalawang pasaherong nangholdap ng Grab rider sa Tondo.
Kinilala ni Manila Police District (MPD) Director Brig. Gen. Benigno Guzman ang mga suspek na sina alyas “Ron- Ron” at alyas “Buboy” na kapwa umano miyembro ng Commando Gang.
Patuloy naman ang pagtugis ng mga operatiba ng Raxabago Police Station sa dalawang iba pang suspek na mabilis nakatakas.
Sa imbestigasyon ng pulisya, aktong nagpapatrolya ang mga pulis-Maynila sa kahabaan ng Honorio Lopez St. dakong alas 2:10 ng madaling araw nang biglang nagsisigaw ang isang Grab driver para humingi ng saklolo mula sa mga holdaper na pasahero.
Agad naman rumesponde ang mga pulis pero mabilis na nagpulasan ang mga suspek na armado ng baril. Sa habulan, dalawa ang nasakote.
Kwento ng biktima, sumakay ang mga suspek sa Nepa Street sa Balut, Tondo. Ilang saglit pa, nagdeklara na ng holdap at nilimas ang kanyang kita.(ITOH SON)