TATLO katao — kabilang ang dalawang pulis — ang sugatan matapos manlaban ang mga residente sa ikinasang demolisyon sa Tondo, Maynila, kaninang umaga.
Sa ulat ng lokal na pulisya, nagtungo umano ang private demolition squad sa isang komunidad sa kahabaan ng Kalye Abad Santos para isakatuparan ang demolition order na inilabas ng husgado.
Hindi pa man ganap na nakalalapit ang demolition squad, nagpaulan umano ng mga bote at bato ang mga residente bilang pagtutol. Pag-aari ng pribadong kumpanya ang lupang kinatitirikan ng daan-daang pamilya sa nasabing bahagi ng Maynila.
Sa gitna ng komosyon, dalawang pulis-Maynila ang nasaktan. Sugatan din ang isang miyembro ng demolition team.
Ayon sa sheriff ng korte, taong 2018 pa inabisuhan ng korte ang mga residente sa nabanggit na lugar. Katunayan aniya, nag-alok pa ang may-ari ng lupa ng halagang P50,000 sa bawat apektadong pamilya — bagay na tinabla ng mga residente.
Humupa naman ang gulo matapos pumagitna ang tatlong konsehal. Sa huli, nagkasundo ang dalawang panig na ipagpaliban ang demolisyon.
