UMAABOT sa 53 hindi lisensiyadong armas ang nakumpiska ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at inaresto ang umano’y dealer nito sa Marikina City.
Hindi kinilala ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. ang suspect ngunit sinabing ang operasyon ay ginawa noong Setyembre 29.
Dalawang search warrants ang bitbit ng mga operatiba kung saan 26 mahahabang armas at 27 short firearms ang nabawi gayunin ang mga bala, gamit at makina na ginagamit sa paggawa ng armas.
Sinabi ni Acorda na ang suspect ay walang lisensiya para magsagawa ng operasyon at hindi nagsumite ng aplikasyon sa Firearms and Explosives Office (FEO) ng PNP para sa paggawa ng baril at armas.
Kinasuhan na ang suspect ng illegal possession of firearms and ammunition noong Oktubre 1 sa Marikina City Prosecutor’s Office.
Sinabi ni Acorda na ang operasyon ay bunga ng pinaigting na seguridad upang matiyak ang payapang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sinabi naman ni CIDG chief Maj. Gen. Romeo Caramat na ipino post ng suspect sa social media ang illegal na gawain at kabilang pa sa aktibidades nito ang mga customer na high profile gun enthusiasts, mga politiko na may private armies at ilang miyembro ng kapulisan at militar.