AGAD na kinalsuhan ng pulisya ang dikit-dikit na nakawan sa mga establisyemento sa Quezon City matapos matimbog ang tatlo sa limang suspek sa ikinasang operasyon sa hangganan ng nasabing lungsod at bayan ng San Mateo, sa lalawigan ng Rizal.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) chief Brig. Gen. Redrico Maranan, positibong kinilala ng mga testigo sina Orlando Dizon Vidal Jr, Jay Curada Dangcalan at Daniel Serivan Castro na di umano’y kabilang sa mga nanloob sa sangay ng Mercury Drug sa Fairview, Quezon City noong Oktubre 1.
Sa ulat ni QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) chief Major Dondon Llapitan,
bandang alas 5:00 ng madaling araw nang matuklasan ng mga empleyado ng Mercury Drug – Fairview Branch na pwersahang pinasok ang botika kung saan tumambad ang sirang vault kung saan nakalagak ang hindi tinukoy na halaga ng salapi.
Agad na tumungo sa hindi kalayuang himpilan ng pulisya para humingi ng tulong sina Lorna Magadan na tumatayong manager ng botika at ang kaherang kinilala sa pangalan Ellen Parañal.
Sa pagresponde ng mga operatiba ng Fairview Police Station, narekober ang isang lagaring bakal at martilyong pinaniniwalaang ginamit ng mga suspek sa pagpasok sa nasabing establisyemento.
Sa tulong ng CCTV, nagsagawa ng isang follow-up operation and CIDU at Fairview Police Station sa pangunguna ni Lt. Col. Elizabeth Jasmin sa Barangay Silangan kung saan inabutan sina Dangcalan at Vidal na may nakasukbit pang kalibre 38.
Sa interogasyon ng pulisya, itinuro ni Vidal ang pinaglulunggaan nina Castro at dalawa pang indibidwal na ayon sa mga operatiba at mabilis na nakatakas.
Bukod sa Mercury Drug, ang mga nadakip na suspek din ang tinuturong nanloob sa sangay ng Puregold Supermarket sa Fairview kamakailan.
Nahaharap sa kasong robbery ang mga suspek na pawang nakapiit ngayon sa QCPD Custodial Facility.
“Hindi kami titigil sa paghahanap sa iba pang suspek para panagutin sa kanilang ginawang krimen Nais ko rin pasalamatan ang ating butihing Mayor Joy Belmonte sa kanyang suporta sa pulisya lalo na sa project Aurora, which plays a vital role in crime prevention in the city,” pahayag ng QCPD chief.