
NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MALAKING bentahe para sa milyon-milyong lolo at lola ang pagkakaroon ng tinatawag na digital national senior citizen ID (NSCID) sa bisa ng eGovPH app, ayon kay House Speaker Martin Romualdez.
Sa isang pahayag, nanindigan si Romualdez na makakatulong para maging mas madali, ligtas, at marangal ang pagtanggap ng benepisyo at serbisyo ng mga Pilipinong edad 60-anyos pataas.
Kasabay nito, pinapurihan ng House Speaker ang programang aniya’y konkretong patunay sa pagtupad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pangakong modernisasyon sa pamahalaan at paglalapit ng serbisyo sa mga mamamayan.
“Today’s technology has made life easier with just a tap on our phones. The same speed and efficiency should also apply to the delivery of government services, especially for our senior citizens who deserve comfort and dignity in their twilight years,” wika ni Romualdez.
“Sa pamamagitan ng eGovPH app, agad na makikita ng ating mga senior citizen ang kanilang mga benepisyo at serbisyo—hindi na kailangan ng mahabang pila o dagdag na abala,” dagdag pa ni Romualdez.
“Because the information is already in the app, seniors are less likely to be victimized by fixers or scammers pretending to ‘assist’ them. Wala nang bibilis pa sa tiyak at ligtas na eGovPH app,” paglalahad din ng lider ng Kamara.
Binigyan-diin niya na mahalagang isulong ang digitalization sa iba’t-ibang serbisyong pinagkakaloob ng pamahalaan bilang proteksyon hindi lang sa hanay ng senior citizens, at maging sa iba pang sektor ng lipunan.
Samantala, hinimok ni Romualdez ang Department of Information and Communications Technology, maging ang nasa pribadong sektor na palakasin ang internet sa buong bansa para mas madaling magamit ng mga nakatatanda ang kanilang digital ID saan man naroroon.
“Connectivity is the backbone of inclusivity. Better internet means better access—not just for our seniors but also for students, workers, farmers, and entrepreneurs who must be part of our modern digital economy,” giit ng mambabatas.
Tiniyak ni Speaker Romualdez na patuloy na susuportahan ng Mababang Kapulungan ang pagpasa ng mga batas at paglalaan ng pondo para sa pagpapalawak ng digital infrastructure at pagpapahusay ng mga serbisyo para sa lahat ng sektor ng lipunan.