HINDI kinagat ng Korte Suprema ang palusot ng tatlong pulis na una nang hinatulan ng reclusion perpetua kaugnay ng pagpatay sa 17-anyos na si Kian delos Santos sa Caloocan City walong taon na ang nakalipas.
Sa desisyon ng Korte Suprema, kinatigan ang hatol na inilabas ni Judge Rodolfo Azucena Jr. ng Caloocan Regional Trial Court (RTC) Branch 125 noong Nobyembre 2018.
Batay sa pasyang akda ni Associate Justice Jhosep Lopez, napatunayang nagkasala nang walang bahid alinlangan ang mga pulis na sina Arnel Oares, Jeremias Pereda at Jerwin Cruz.
Ang hatol — hanggang 40 taong pagkakakulong, bukod pa sa P275,000 danyos sa pamilya ng biktima.
Sa rekord ng kaso, gabi noong Agosto 16, 2017 nang dakpin si Kian sa Barangay Baesa, Caloocan. Ayon sa mga saksi, sinaktan umano ang binatilyo at pinilit na magkunwaring may hawak na baril bago dalhin sa isang madilim na lugar.
Ilang sandali pa, binaril si Kian ng maraming beses nina Oares at Pereda, habang nakamasid naman si Cruz.
Giit ng mga pulis, rumesponde lamang sila sa sumbong ng iligal na droga — alibi na hindi lumusot sa Korte Suprema kasabay ng giit na kumpleto lahat ng elemento ng murder.
Batay sa pagsusuri ng medico-legal, si Kian ay posibleng nakaupo o nakaluhod nang barilin at wala umanong kakayahang ipagtanggol ang sarili.
Tinanggihan din ng hukuman ang depensang ginagawa lamang ng mga pulis ang kanilang tungkulin at hindi kailanman bahagi ng lehitimong operasyon ang pagpatay lalo na sa isang menor-de- edad. (JULIET PACOT)
