MATAPOS dumanas ng “stroke” sa loob ng piitan, naghain ng mosyon sa Sandiganbayan ang isa sa mga kapwa-akusado sa kasong katiwalian na may kinalaman sa flood control scandal.

Hirit ng abogado ni Juliet Calvo na dating maintenance division chief ng Department of Public Works and Highways (DPWH), isailalim sa hospital arrest ang akusado.

Nahaharap si Calvo sa kasong malversation kasama si dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co at walong iba pang akusado kaugnay ng umano’y P289.4 milyong road dike project sa Naujan, Oriental Mindoro.

Ayon Atty. Edwin Labro Jr. sa pagdinig ng Sandiganbayan Sixth Division, tinamaan ng stroke si Calvo noong Agosto 5 habang nakapiit sa Camp Karingal Female Dormitory sa Quezon City.

Aniya, paralisado at hindi na makapagsalita ang akusado. Gayunpaman, nilinaw ng abogado na nasa “stable condition” na ang dating DPWH official — batay sa pagsusuri ng doktor.

Hindi naman tumutok ang prosekusyon sa inihaing urgent motion para sa hospital arrest ni Calvo.

Gayunpaman, nilinaw ni Associate Justice Sarah Jane Fernandez, chairperson ng Sixth Division, na kailangan muna humarap sa korte ang doktor ni Calvo bago isalang sa resolusyon ang mosyon para sa hospital arrest ng akusado.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *