NAKASABIT sa kable ng kuryente at wala ng buhay nang matagpuan ang bangkay ng 32-anyos na lalaki sa Quezon City, Lunes ng umaga.
Kinilala ang biktima na si alyas “Angelo,” na residente ng Rose Street Area A, Barangay Payatas, Quezon City.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-7: 50 ng umaga nitong Lunes, nang matagpuan ang bangkay ng biktima na nakasabit sa linya ng kuryente sa kanto ng Ilang-ilang at Dahlia Sts., sa nasabing komunidad.
Batay sa imbestigasyon ni Sarhento Jordan Barbado, huling nakita ang biktima na umalis sa kanilang tahanan sakay ng kanyang motorsiklo alas- 9:00 ng gabi nitong Linggo, ayon sa live-in partner na si alyas “Reynalyn”.
Subalit kinaumagahan ay nadiskubre ang bangkay ng biktima ng mga tanod mula sa Barangay Payatas A, na nakasabit sa pagitan ng ilang cable wires.
Agad nagresponde ang mga tauhan ng e Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO), Bureau of Fire Protection – Special Rescue Force (BFP-SRF), at BFP – Congress Fire Sub-Station at kinuha ang bangkay ng biktima mula sa poste ng kuryente.
Dumating ang SOCO Team mula sa QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni P/EMS Ferdinand Baquiran at sa pagsusuri, lubhang nalapnos ang katawan ng biktima.
Nabatid naman sa mga opisyal ng barangay na ilang beses na umanong nasangkot sa mga nakawan ang biktima sa kanilang lugar. Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.
