HINDI patatawarin ng ng Land Transportation Office (LTO) ang mga kolorum o hindi rehistradong public utility vehicles (PUVs) at mga taxi driver na namimili ng pasahero kasabay ng Christmas rush.
Magsisimula nang ikalat ang mga tauhan ng Law Enforcement Service ng LTO sa mga mall sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa para sa “Oplan PASAWAY,” ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II.
Ani Mendoza, dumarami ang reklamo laban sa mga taxi driver na tumatangging magsakay ng mga pasahero kapag Christmas season.
“Marami sa mga taxi drivers ang nangongontrata at talagang hindi nagpapasakay kung hindi papayag sa gusto nilang presyuhan. Mahigpit pong ipinagbabawal ito dahil violation ito ng kanilang prangkisa,” ayon kay Mendoza.
“Dahil sa dami ng pasahero tuwing panahon ng Pasko, ito rin ang panahon kung saan nagsusulputan ang napakaraming colorum na public utility vehicles at ito rin ang inutos ko na dapat tutukan,” dagdag pa niya.
Nanawagan naman ang opisyal sa publiko na isumbong kung sila ay nabiktima ng mga pasaway na drayber.
“Pagtulungan po nating wakasan ang ganitong maling sistema dahil hindi matatapos ang mga ganitong gawain kung hahayaan lang natin ang mga ito na mambiktima ng mga kawawang pasahero,” ani Mendoza.
Ang operasyon ay aprubado umano ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista at sa pakikipag-ugnayan kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Teofilo Guadiz III.