
Ni Lily Reyes
PATAY ang 52-anyos na lalaki makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang nakikipag-inuman kasama ang mga kaibigan sa Quezon City Huwebes ng madaling araw.
Ang biktima ay nakilalang si Delfin Siawingco Manalo, 52, may asawa, at residente ng No. 35 St. Dominic Drive, Brgy. Baesa, Quezon City.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 1:00 ng madaling araw (October 12), nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Kalye Sto. Cristo, Brgy. Balingasa, sa nasabing lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PMSgt Roy Estillero, nakikipag-inuman ang biktima sa mga kaibigan nang walang kaabog-abog na sumulpot ang dalawang suspek na kapwa lulan ng motorsiklo.
Agad na bumunot ng baril ang backrider at sunud-sunod na pinaputukan ang biktima habang kumaripas naman ng takbo ang mga kainuman.
Nang matiyak na wala nang buhay ang target ay mabilis na tumakas ang mga suspek sa direksyon ng Bonifacio Ave., sa La Loma.
Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang pulisya sa motibo ng pamamaril upang matukoy ang mga salarin.