ARESTADO sa mga operatiba ng Quezon Police District (QCPD) ang isang 32-anyos na snatcher matapos manghablot ng hikaw sa harap ng simbahan sa Barangay Balingasa, Quezon City. Kinilala ni QCPD acting Director Brig. Gen. Christopher Olazo ang suspek sa pangalang “Ran” na positibong itinuro ng biktimang freelance model. Bagamat nasakote ang suspek, napilas naman ang tainga ng biktima. Ang halaga ng gintong hikaw — P55,000. Sa ulat ni Lt. Col. Jose Luis Aguirre, hepe ng La Loma Police Station 1, naglalakad ang biktima sa harap ng simbahan bandang 10:15 ng umaga nang hablutin ng suspek ang kanyang mga hikaw. Mabilis namang tumakas ang suspek patungo sa center island ng EDSA sa Balintawak. Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad at natuton ang suspek na positibong kinilala ng biktima. Sa karagdagang beripikasyon, natuklasan na may rekord ang suspek sa kasong pagnanakaw. Sinampahan na ng kasong robbery sa Quezon City Prosecutor’s Office ang suspek. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation POGO buking sa Cubao, 74 Chinese nationals timbog