MASUSING pinag-aaralan ng Kamara, katuwang ang Department of Energy (DOE) at maging ang mismong local oil companies na suspendihin muna sa loob ng tatlong buwan ang pagpapataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo.
Ito ang isiniwalat ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo kasunod ng pulong ng Kamara sa pangunguna ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, sa mga opisyales at kinatawan DOE at mga oil companies.
Ayon kay Tulfo, pangunahing tinalakay ang mga hakbang na maaaring ipatupad sa layuning maibsan ang mabigat na epekto ng sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng petroleum products.
Isa umano sa naging suhestyon ay ang pagsuspendi muna sa pagpapataw ng fuel excise tax kahit sa loob lamang ng tatlong buwan.
Sinabi ni Tulfo na nakikita nila na ang agarang resulta sa pagpapahinto ng paniningil sa nasabing buwis ay ang pagbaba sa hanggang P10 piso kada litro sa pump price ng petrolyo.
Gayunpaman, inaasahan naman mawawalan ng hindi bababa sa P4.9 bilyon kada buwan – o katumbas ng P14.7 bilyon para sa tatlong buwan – ang gobyerno.
Samantala, binanggit din ni Tulfo ang mungkahi ni Romualdez na magbigay ng fuel subsidy hindi lamang sa hanay ng public transports at agri sector kundi maging sa middle-income earners na may sariling sasakyan.
Umapela rin aniya ang lider ng Kamara sa mga lokal na kumpanya ng langis na magsakripisyo para sa kapakanan ng buong sambayanang Pilipino.