Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
DAHIL sa masamang panahon dala ng bagyong Enteng, agad na ipinagpaliban ng Kamara ng plenary session ngayong hapon.
Eksakto alas 3:00 ng hapon nang buksan ng Mababang Kapulungan ang sesyon kung saan si Deputy Speaker Vincent Franco Frasco (Cebu 5th District) ang tumayong presiding officer.
Agad namang naghain ng mosyon si House Assistant Majority Leader Francisco Paolo P. Ortega V (La Union 1st District), na tumayong majority floor leader para i-adjourn ang plenaryo.
“Mr. Speaker, due to inclement weather, I move that we adjourn the session until tomorrow, Tuesday, September 3 at 3:00 in afternoon,” hirit ni Ortega sa mga dumalong kongresista.
“Is there any objection? The chair hears none, session is adjourned until tomorrow, September 3 at 3:00 pm,” tugon naman ni Frasco.
Sa kabilang ng adjournment, nagpapatuloy naman ang deliberasyon ng Committee on Appropriations, na nagsimula kaninang alas-9:30 ng umaga, sa P793.18 billion proposed 2025 budget ng Department of Education (DepEd) na dinaluhan mismo ni Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara at iba pang opisyal ng nasabing kagawaran.
