HINILING ng Department of Justice (DOJ) sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ibahagi nito ang mga kopya ng CCTV footage sa paligid ng Senado noong madaling araw ng Mayo 14.
Ayon kay Justice Secretary Frederick Vida, malaki ang maitutulong ng MMDA para bigyang linaw ang umano’y pagtakas ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa senate building sa lungsod ng Pasay.
Una nang nakumpirma ang paglabas ni Dela Rosa ilang oras matapos ang naganap na putukan sa loob ng senado, na dahilan sa [pagpapatupad ng biglaang lockdown sa buong gusali.
Sa kaugnay na balita, nakatakdang bisitahin ng binuong Special Panel of Prosecutors ang Senado upang pisikal na inspeksyunin ang lugar kung saan naganap ang insidente ng putukan.
Ang naturang grupo ang inatasan ng DOJ para tutukan ang imbestigasyon sa tinaguriang “senate standoff.”
Kinumpirma rin ni Vida na natanggap na ng ahensya ang partial report sa isinagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at Government Service Insurance System (GSIS).
Samantala, humirit naman ng mas mahabang panahon ang Philippine National Police (PNP) sa pagsusumite ng ulat dahil sa patuloy pang pagkolekta ng mga dokumento.
