HINDI bababa sa 63 katao ang ipinasok sa kalaboso matapos salakayin ng mga operatiba ang isang large-scale online investment scam hub sa lungsod ng Pasig.
Sa ulat na inilabas ng Philippine National Police (PNP), Mayo 20 nang salakayin ng pinagsanib na pwersa ng PNP Anti-Cybercrime Group sa bisa ng isang search warrant establisyemento kung saan dinakip ang 63 katao — kabilang ang isang foreign national na kinilala lang sa pangalang “Boss.”
Ayon sa pulisya, nagkunwari ang grupo bilang lehitimong call center at investment assistance company na nag-aalok sa mga biktima sa social media at messaging apps na mag-invest sa trading scheme sa ilalim ng pangalang “XTRADE”.
Ayon sa pulisya, organisado ang operasyon, kabilang ang mga papel sa online promotion, client engagement, at retention efforts.
Gayunpaman, napag-alaman ng PNP Anti-Cybercrime Group na hindi rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang mga sinasabing business process outsourcing (BPO) firms.
Wala rin umano lisensya ang naturang kumpanya manghikayat ng investment mula sa publiko.
Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, lumabas na may arrest warrant ang arestadong foreign national para sa kasong may kinalaman sa buwis.
